Ang Karapatang Pantao
Ayon sa chairperson ng Komisyon ng Karapatang Pantao (Commission on Human Rights) na si Chito Gascon, ang mga tao, sa simula pa lang ng panahon, ay naghahanap na ng pagkilala ng mga karapatang pantao ngunit ang pormal, opisyal, at legal na pagkilala sa karapatang pantao ay binuo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
“The horrors of World War I and World War II brought to bear the necessity of recognizing human rights if we were to survive as a civilization because of so much atrocities that were committed during those periods. The notion or concept of human rights was clearly included in the United Nations charter and the first project of the United Nations after it was constituted was to adopt what was called the Universal Declaration of Human Rights in 1948.” ayon kay Gascon.
Ang Universal Declaration of Human Rights ay binuo at pinagtibay noong Disyembre 10, 1948 sa Paris. Ipinlano at isinulat ito ng mga kinatawan ng iba’t ibang legal at kultural na karanasan mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang Pilipinas, bilang bahagi at signatory ng naturang dokumento, ay sumusunod at ginagamit ito bilang gabay sa mga batas, kasuduan at pagkilala sa karapatng pantao.
Ayon kay Gascon, ang karapatang pantao ay mga binuong pamantayan kung saan tinatawag ang lipunan na respetuhin at sundin. Ang mga ito rin ay resulta mula sa karanasan ng hirap at pagpapasakit sa kasaysayan.
“Human rights is an established norm that society is called to adhere to and is a result of the experience of hardship and maltreatment over history, of centuries of basically persons using power, strength and brute force to undermine other people.” sabi ni Gascon.
Ang karapatang pantao ay hanay din ng mga legal na pamantayan. Ang bawat tao ay may karapatang pantao na dapat kilalanin ng estado upang umunlad ang katayuaan ng isang tao at lubos na magampanan nito ay kanyang mga tungkulin bilang tao.
Ang mga karapatang pantao, ayon kay Gascon, ay universal, interdependent, inalienable, at indivisible. Universal sapagkat ito ay nasa lahat ng tao, interdependent dahil ang isang karapatan ay hindi lubos na magagamit ng wala ang ibang karapatan, inalienable dahil kahit gustuhin mong tanggalin ito sa iyo ay hindi ito maari, at indivisible sapagkat ang mga karapatn ay hindi nahahati at napaghihiwalay.
Liban sa mga internasyonal na mga kasunduan at dokumento, kinikilala din ng Pilipinas ang mga karapatang pantao sa pamamagitan ng Konstitusyon kung saan dalawang artikulo ang inialay para sa mga ito.
“The Philippines is a signatory and a party to all those treaties so therefore, under international law, we are obligated to respect human rights but other than international law, because of our experience with Martial Law, we also have a Constitution that enshrine human rights.” ayon kay Gascon.
Ang mga Karapatang Pantao sa 1986 Konstitusyon ng Pilipinas
ARTIKULO III
KATIPUNAN NG MGA KARAPATAN
SEKSYON 1. Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ariarian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
SEK. 2. Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warant sa paghalughog o warant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.
SEK. 3. (1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiiba ng kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.
(2) Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksyon.
SEK. 4. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan
SEK. 5. Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pag-samba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.
SEK. 6. Hindi dapat bawahan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawahan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.
SEK. 7. Dapat kilalanin ang karapatan ng mga taong-bayan na mapag-pabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga opisyal na rekord, at sa mga dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.
SEK. 8. Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi labag sa batas.
SEK. 9. Ang pribadong ariarian ay hindi dapat kunin ukol sa gamit pambayan nang walang wastong kabayaran.
SEK. 10. Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng mga kontrata.
SEK. 11. Hindi dapat ipagkait sa sino mang tao ang malayang pagdulog sa mga hukuman at sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa sapat na tulong pambatas nang dahil sa karalitaan.
SEK. 12. (1) Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kanyang karapatang magsawalang-kibo at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malaya na lalong kanais-nais kung siya ang maypili. Kung hindi niya makakayanan ang paglilingkod ng abogado, kinakailangang pagkalooban siya ng isa. Hindi maiuurong ang mga karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abogado.
(2) Hindi siya dapat gamitan ng labis na pagpapahirap, pwersa, dahas, pananakot, pagbabanta, o ano pa mang paraan na pipinsala sa kanyang malayang pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim na kulungan, solitaryo, ingkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon.
(3) Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o Seksyon 17 nito.
(4) Dapat magtadhana ang batas ng mga kaparusahang penal at sibil sa mga paglabag sa seksyong ito at gayon din ng bayad-pinsala at rehabilitasyon sa mga biktima ng labis na mga pagpapahirap o katulad ng mga nakagawian, at sa kanilang mga pamilya.
SEK. 13. Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala, bago mahatulan, ay dapat mapyansahan ng sapat na pyador, o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawahan ang karapatan sa pyansa kahit na suspindido ang pribilehyo ng writ of habeas corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na pyansa.
SEK. 14 (1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas.
(2) Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng karapatang magmatwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, mapatalastasan ng uri at dahilan ng sakdal laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan, at hayagang paglilitis, makaharap ang mga testigo at magkaroon ng sapilitang kaparaanan upang matiyak ang pagharap ng mga testigo at paglitaw ng ebidensya para sa kanyang kapakanan. Gayon man, matapos mabasa ang sakdal, maaaring ituloy ang paglilitis kahit wala ang nasasakdal sa pasubaling marapat na napatalastasan siya at di makatwiran ang kanyang kabiguang humarap.
SEK. 15. Hindi dapat suspindihin ang pribilehyo ng writ of habeas corpus, maliban kung may pananalakay o paghihimagsik, kapag kinakailangan ng kaligtasang pambayan.
SEK. 16. Dapat magkaroon ang lahat ng mga tao ng karapatan sa madaliang paglutas ng kanilang mga usapin sa lahat ng mga kalupunang panghukuman, mala-panghukuman, o pampangasiwaan.
SEK. 17. Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang sarili.
SEK. 18. (1) Hindi dapat detenihin ang sino mang tao dahil lamang sa kanyang mga paniniwala at hangaring pampulitika.
(2) Hindi dapat pairalin ang ano mang anyo ng sapilitang paglilingkod, maliban kung kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.
SEK. 19. (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen. Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang kamatayan.
(2) Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal, sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang paggamit ng mga kaluwagang penal na di-makatao.
SEK. 20. Hindi dapat ibilanggo ang isang tao nang dahil sa pagkakautang o hindi pagbabayad ng sedula.
SEK. 21. Hindi dapat na ang isang tao ay makalawang masapanganib ng kaparusahan sa iisang paglabag. Kung pinarurusahan ng batas at ng ordinansa ang isang kagagawan, ang pagkaparusa o pagkaabswelto sa ilalim ng alin man dito ay magiging hadlang sa iba pang pag-uusig sa gayon ding kagagawan.
SEK. 22. Hindi dapat magpatibay ng batas ex post facto o bill of attainder.
ARTIKULO XIII
KATARUNGANG PANLIPUNAN AT MGA KARAPATANG PANTAO
SEKSYON. 1. Dapat pag-ukulan ng Kongreso ng pinakamataas na prayoriti ang pagsasabatas ng mga hakbangin na mangangalaga at magpapatingkad sa karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa dignidad na pantao, magbabawas sa mga di pagkakapantay-pantay na panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika, at papawi sa mga di pagkakapantay-pantay na pangkalinangan sa pamamagitan ng ekwitableng pagpapalaganap ng kayamanan at kapangyarihang pampulitika para sa kabutihan ng lahat.
Tungo sa mga mithiing ito, dapat regulahin ng Estado ang pagtatamo, pagmamay-ari, paggamit, at paglilipat ng ariarian at ng mga bunga nito.
SEK. 2. Dapat na kalakip sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan ang komitment sa paglikha ng mga pagkakataong ekonomiko na nasasalig sa kalayaan sa pagpapatiuna at pagtitiwala sa sariling kakayahan.
PAGGAWA
SEK. 3. Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.
Dapat nitong garantyahan ang, mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang naaalinsunod sa batas. Dapat na may karapatan sila sa katatagan sa trabaho, sa makataong mga kalagayan sa trabaho, at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.
Dapat itaguyod ng Estado ang prinsipyong hatiang pananagutan ng mga manggagawa at mga employer at ang preperensyal na paggamit ng boluntaryong mga pamamaraan ng pagsasaayos sa mga hidwaan, kabilang ang konsilyasyon, at dapat ipatupad ang pagtalima rito ng isa’t isa upang maisulong ang katiwasayang industryal.
Dapat regulahin ng Estado ang ugnayan ng mga manggagawa at mga employer, dahil sa pagkilala sa karapatan ng paggawa sa karampatang kaparte nito sa mga bunga ng produksyon at sa karapatan ng mga negosyo sa makatwirang tubo sa mga pamumuhunan, at sa paglawak at paglago.
REPORMANG PANSAKAHAN AT PANLIKAS NA KAYAMANAN
SEK. 4. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga prayoriti at sa makatwirang mapananatiling mga sukat na maaaring itakda ng Kongreso, na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ikolodyi, pangkaunlaran o pagkamakatarungan, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retensyon limit. Dapat ding maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa.
SEK. 5. Dapat kilalanin ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka, mga manggagawa sa bukid, at mga may-ari ng lupa, gayon din ng mga magsasaka na lumahok sa pagpaplano, pagbuo, at pamamahala ng programa, at dapat maglaan ng suporta sa pagsasaka sa pamamagitan ng angkop na teknolohya at pananaliksik, at sapat na mga lingkuran sa pananalapi, produksyon, pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkurang pantulong.
SEK. 6. Dapat ipatupad ng Estado ang mga simulain ng repormang pansakahan o stewardship kailanma’t mapaiiral nang naaalinsunod sa batas sa pamamahagi o paggamit ng iba pang mga likas na kayamanan, kasama ang mga lupaing pambayan na angkop sa pagsasaka sa ilalim ng pamumwisan o konsesyon, batay sa mga karapatang nauuna, mga karapatan sa homested ng maliliit na nananahanan, at mga karapatan ng katutubong mga pamayanan sa kanilang minanang mga lupain.
Maaaring ipanahanan ng Estado ang mga magsasakang walang lupa at ang mga manggagawa sa bukid sa sarili nitong mga lupaing pansakahan na ipamahagi sa kanila sa paraang itinatakda ng batas.
SEK 7. Dapat pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga mangingisdang tawid-buhay, lalo na ng mga lokal na pamayanan, sa may pagtatanging paggamit ng mga kayamanan sa tubig at pangisdaan na para sa lahat, kapwa sa mga tubigang panloob at sa dagat. Dapat na maglaan ito ng suporta sa mga mangingisdang iyon sa pamamagitan ng angkop- na teknolohya at pananaliksik, sapat na tulong na nauukol sa pananalapi, produksyon at pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkuran. Dapat ding pangalagaan, paunlarin at ikonserba ng Estado ang mga kayamanang iyon. Dapat umabot ang pangangalaga sa mga pangisdaan sa dagat ng mga mangingisdang tawid-buhay laban sa pagpasok ng dayuhan. Dapat tumanggap ang mga manggagawa sa pangisdaan ng karampatang kaparte sa kanilang pagtatrabaho sa pakinabang sa mga kayamanan sa tubig at pangisdaan.
SEK. 8. Dapat maglaan ang Estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang pansakahan upang itaguyod ang industryalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay, at isapribado ang mga negosyo ng sektor publiko. Ang mga kasangkapang pampananalapi na ginamit na kabayaran sa kanilang mga lupain ay dapat tanggaping ekwiti sa kanilang piniling mga negosyo.
REPORMA SA LUPANG URBAN AT SA PABAHAY
SEK. 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.
SEK. 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.
Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.
KALUSUGAN
SEK. 11. Dapat magsagawa ang Estado ng pinag-isa at komprehensibong lapit sa pagpapaunlad ng kalusugan na magbibigay ng mga pangunahing pangangailangan, mga lingkurang pangkalusugan at iba pang mga lingkurang panlipunan na makakayanan ng lahat ng mga mamamayan. Dapat magkaroon ng prayoriti para sa mga pangangailangan ng mahihirap na maysakit, matatanda, may-kapansanan, mga babae, at mga bata. Dapat sikapin ng Estado na makapagkaloob ng libreng panggagamot sa mga pulubi.
SEK. 12. Dapat magtatag at magpanatili ang Estado ng mabisang sistema ng pangangasiwa sa pagkain at gamot at magsagawa ng angkop na pagpapaunlad at pananaliksik sa laang-bisig sa kalusugan na tumutugon sa mga pangangailaan at suliranin sa kalusugan ng bansa.
SEK. 13. Dapat magtatag ang Estado ng isang natatanging tanggapan para sa mga taong baldado para sa kanilang mga rehabilitasyon, sariling pagpapaunlad, at pagtitiwala sa sariling kakayahan, at sa kanilang pakikiisa sa kabuuang daloy ng lipunan.
KABABAIHAN
SEK. 14. Dapat pangalagaan ng Estado ang mga kababaihang nagtatrabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kalagayan sa pagtatrabaho, na nagsasaalang-alang ng kanilang mga gawain bilang ina, at ng mga kaluwagan at mga pagkakataon na nagpapatingkad sa kanilang ikagagaling at ikagiginhawa upang matamo ang kanilang ganap na potensyal sa paglilingkod sa bansa.
ANG BAHAGING GINAGAMPANAN AT MGA KARAPATAN NG MGA ORGANISASYON NG SAMBAYANAN
SEK. 15. Dapat igalang ng Estado ang bahaging ginagampanan ng malayang mga organisasyon ng sambayanan upang matamo at mapangalagaan ng mga taong-bayan, sa loob ng balangkas na demokratiko, ang kanilang lehitimo at sama-samang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng paraang mapayapa at naaayon sa batas.
Ang mga organisasyon ng sambayanan ay mga asosasyong bona fide ng mga mamamayan na may subok na kakayahang itaguyod ang kapakanang pambayan at may mapagkikilalang pamiminuno, kasapian at istruktura.
SEK. 16. Hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng mga antas ng pagpapasyang panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan. Dapat padaliin ng Estado, sa pamamagitan ng batas, ang pagtatatag ng sapat na mga pamamaraan sa pakikipagsanggunian.
MGA KARAPATANG PANTAO
Ang Komisyon sa Mga Karapatang Pantao
SEK. 17.
(1) Nililikha sa pamamagitan nito ang isang malayang tanggapan na tatawaging Komisyon sa mga Karapatang Pantao.
(2) Ang Komisyon ay dapat buuin ng isang Tagapangulo at apat na mga Kagawad na kinakailangang mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at ang mayorya nito ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar. Dapat itadhana ng batas ang taning na panahon ng panunungkulan at ang iba pang mga kwalipikasyon at mga disabiliti ng mga kagawad ng Komisyon.
(3) Hangga’t hindi nabubuo ang Komisyong ito, ang kasalukuyang Pampanguluhang Komite sa mga Karapatang Pantao ay dapat magpatuloy sa pagtupad ng kasalukuyang mga gawain at kapangyarihan nito.
(4) Dapat na kusa at regular na ipalabas ang pinagtibay na taunang laang-gugulin ng Komisyon.
SEK. 18. Dapat magkaroon ang Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain:
(1) Magsiyasat, sa kusa nito o sa sumbong ng alin mang panig, ng lahat ng uri ng mga paglabag sa mga karapatang pantao na kinapapalooban ng mga karapatang sibil at pulitikal;
(2) Maglagda ng mga panuntunan sa pamalakad, at mga tuntunin ng pamamaraan nito, at magharap ng sakdal na paglapastangan ukol sa mga paglabag dito nang naaalinsunod sa mga Tuntunin ng Hukuman;
(3) Magtakda ng angkop na mga hakbangin na naaayon sa batas para sa pangangalaga ng mga karapatang pantao ng lahat ng mga tao sa Pilipinas, at gayon din ng mga Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, at magtakda ng mga panagkang hakbangin, at mga paglilingkod na tulong legal sa mga kulangpalad na ang mga karapatang pantao ay nilabag o nangangailangan ng proteksyon;
(4) Tumupad ng mga kapangyarihan sa pagdalaw sa mga piitan, mga bilangguan, o mga pasilidad sa detensyon;
(5) Magtatag ng patuluyang programa sa pananaliksik, edukasyon at impormasyon upang mapatingkad ang paggalang sa pagkapangunahin ng mga karapatang pantao;
(6) Magrekomenda sa Kongreso ng mabisang mga hakbangin upang ma-itaguyod ang mga karapatang pantao at maglaan para sa mga bayad-pinsala sa mga biktima, o sa kanilang mga pamilya, ng mga paglabag sa mga karapatang pantao;
(7) Subaybayan ang pagtalima ng Pamahalaan ng Pilipinas sa mga pananagutan sa pandaigdig na kasunduang-bansa hinggil sa mga karapatang pantao;
(8) Magkaloob ng imyuniti sa pag-uusig sa sino mang tao na ang testimonyo o ang pag-iingat ng mga dokumento o iba pang ebidensya ay kinakailangan o makaluluwag sa pagtiyak ng katotohanan sa alin mang pagsisiyasat na isinagawa nito o sa ilalim ng awtoridad nito;
(9) Hilingin ang tulong ng alin mang kagawaran, kawanihan, tanggapan o sangay sa pagtupad ng mga gawain nito;
(10) Humirang ng mga pinuno at kawani nito nang naaayon sa batas; at
(11) Tumupad ng iba pang mga tungkulin at mga gawain na maaaring itakda ng batas.
SEK. 19. Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa iba pang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao na dapat masaklaw ng awtoridad ng Komisyon, na nagsasaalang-alang sa mga rekomendasyon nito.